Nanindigan ang Office of the Solicitor General (OSG) na hindi iligal ang Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP).
Noong nakaraang linggo, pinag-isa ng Korte Suprema ang dalawang petition for amparo na parehong humihiling na ipahinto ang implementasyon ng mga Oplan Double Barrel.
Paliwanag ni Solicitor General Jose Calida, ang mandato na “to serve and protect” ay hindi lamang limitado sa pagresponde sa nangyaring krimen, kundi pati ang pagpigil sa krimen bago pa ito mangyari.
Ayon kay Calida, nasa kapangyarihan ng PNP chief ang pagpapatakbo at kontrol sa mga pagkilos at deployment ng Pambansang Polisya o alinmang unit, personnel at kagamitan nito.
Alinsunod aniya sa nilalaman ng Section 26 ng R.A. No. 6975, ang Oplan Double Barrel ay hindi panghihimasok sa kapangyarihan ng pangulo ng bansa.
Una nang inanunsyo ni Supreme Court Spokesman Teodore Te na itinakda ang oral argument sa nasabing usapin sa November 22 sa ganap na 2:00 ng hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.