Roque sa mga bumatikos sa ASEAN Summit: Basahin ‘nyo lamang ang resulta
Pinayuhan ng Malacañang ang mga mambabatas na magbasa ng outputs o official accounts ng mga nangyari sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit bago magpahayag ng pagka-dismaya.
Bilang tugon sa mga bumatikos sa ASEAN Summit, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na natalakay sa mga pagpupulong ang mga isyu na mahalaga sa rehiyon.
Una na kasing naglabas ng magkahiwalay na pahayag sina Reps. Teddy Baguilat at Tom Villarin na nagsasabing ginamit lang ang bilyong pisong halaga ng pondo ng bayan para lang sa isang “monstrous, glitzy photo ops and social gathering” na anila’y wala namang pinatunguhan.
Ayon kay Roque, tinitiyak niyang hindi “matter of pageantry” ang mga isyung napag-usapan tulad ng banta ng nuclear annihilation, peace and stability sa South China Sea at maging ang terorismo.
Dahil dito, sinabi rin ng tagapagsalita na halatang hindi nagbasa ng official accounts at outputs ng naganap na Summit ang mga naturang mambabatas.
Samantala, naniniwala rin si Roque na dahil sa naganap na ASEAN Summit kamakailan, napatunayan na kaya ng Pilipinas na mag-host ng ganitong international event.
Gayunman, humingi pa rin siya ng paumanhin sa lahat ng mga naabala ng pagtitipon tulad na lamang ng mga motorista na nakaranas ng trapik sa paghahati ng mga kalsada at paglalaan ng ASEAN lane.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.