Mga miyembro ng Aegis Juris, nagpresenta ng eksperto upang igiit na hindi hazing ang ikinamatay ni Atio Castillo
Nagprisinta ng mga medical experts ang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity para patunayang imposibleng ang hazing ang naging sanhi ng pagkamatay ng law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Nagsumite ng kani-kanilang magkakahiwalay na affidavit sina Atty. Floresto Arizala Jr. na dating hepe ng Medico-Legal Department ng National Bureau of Investigation, Dr. Rodel Capule at Dr. Bu Castro sa isinagawang preliminary investigation.
Si Atty Arizala ang nagsilbing expert witness para kay Mhin Wei Chan, habang si Dr. Capule naman para kay John Paul Solano at si Dr. Castro naman para kay Axel Hipe.
Ayon kay Arizala, walang factual basis ang naging resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na nagsasabing hazing ang ikinamatay ni Atio.
Matatandaang isinaad ni Supt. Dr. Joseph Palmero ng PNP crime laboratory office sa kaniyang autopsy report na nasawi si Castillo dahil sa matinding traumatic injuries na natamo nito sa kaniyang upper limbs.
Ngunit iginiit ni Arizala na hypertrophic cardiomyopathy ang ikinasawi ni Castillo, na nauna nang iginiit ni Solano sa kaniyang kontra-salaysay.
Sinuportahan naman ni Dr. Capule ang findings ni Arizala, at sinabing inamin ni Dr. Palmero na ang kaniyang opinyon tungkol sa ikinamatay ni Castillo ay hindi “specifically due to trauma” at na ibinase lang ito sa limitadong datos at tissue samples.
Samantala, naniniwala naman si Dr. Castro na kailangan pa ng mas masusing autopsy para mas matukoy ang pinakadahilan ng pagkamatay ni Castillo.
Marami kasi aniyang posibleng naging dahilan ng acute kidney injury ni Atio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.