MIRIAM QUIAMBAO, BUMAGSAK AT BUMANGON SA TULONG NG DIYOS ni Brenda Arcangel

September 17, 2015 - 12:51 PM

brenda“Mula sa pagbagsak ko sa Miss Universe coronation night, ang Diyos ay laging nariyan para ako ay buhatin at baguhin ang lahat ng aking kamalian”-1999 Miss Universe first runner-up Miriam Quiambao.

Second chances…ito ang kabuuan ng buhay ng actress turned beauty queen na si Miriam Quiambao.

Akala ng publiko, ang buhay ng isang sikat na personalidad ay puro saya at kinang. Pero minsan nakakasakal ang limelight, kayamanan at maraming engagements. Kung kailan nasa tuktok ng kasikatan ay sa ganitong oras din nararanasan ang kabiguan, sakit ng katawan at damdamin at pagbagsak.

Sa kanyang guesting sa aking programang Warrior Angel sa Radyo Inquirer Nuwebe Nobenta, ikinuwento ni Miriam ang kanyang mga tagumpay, yaman at saya sa buhay na kalaunan ay nawalang parang bula.

Kasama ang kanyang mister, malayang inihayag ni Miriam kung paano bumagsak ang kanyang buhay hanggang makilala nito ang noo’y mentor niya sa book writing na si Ardy Roberto at mabago ang guhit ng kanyang tadhana.

Naging emosyunal si Miriam nang balikan ang mga mapapait na bahagi ng kanyang buhay…simula sa kanyang nakakahiyang pagkadulas sa coronation night ng 1999 Miss Universe.

Kwento ni Miriam, kampante siya noong rumarampa nang mawalan siya ng balanse at matumba matapos na aksidenteng sumabit ang kanyang takong sa dulo ng kanyang gown.

“Oh my God,” ito ang nasabi ni Miriam sa sarili sa kanyang pagbagsak. Pero agad na naibalik ni Miriam ang kanyang composure, muli siyang tumayo at elegante pa ring natapos ang kanyang pagrampa sa stage. And the rest is history.

Dahil sa nakakahiyang pagbagsak at nakakabilib na pagbangon ni Miriam ay itinanghal pa itong 1999 Miss Universe first runner-up.

Nagbukas ng maraming opportunity ang pagkapanalo ni miriam sa Miss Universe. Pagbalik nito sa Pilipinas ay naging kaliwat-kanan ang mga kanyang mga projects sa showbiz at iba pang field.
Naging aktres, host, negosyante at marami pang ginawa si Miriam sa kanyang buhay. Sabi nga nila, strike while the iron is hot kaya naman naging busy ito sa iba’t-ibang trabaho hanggang may magpatibok ng kanyang puso.

Inakala ni Miriam na laging bed of roses ang kanyang buhay. Na bukod sa tagumpay at biyaya sa kanyang career ay magiging masaya ang kanyang personal na buhay.

Sa simula ay naging maganda ang buhay may asawa ni Miriam sa kanyang Italyanong mister. Pero kalaunan ay nagkaroon sila ng problema hanggang mauwi sila sa hiwalayan. Nagsimula na ring bumagsak ang buhay ni Miriam dahil sunod-sunod ang mga hindi magagandang pangyayari at kamalasan.

Bukod sa failed marriage, naloko rin si Miriam sa aspetong pinansyal nang siya ay maging biktima ng scam, dahilan ng unti-unti nitong kawalan ng pondo na sinabayan pa ng tila pagtalikod na rin ng mga inakala niyang kaibigan.

Sa panahon na pakiramdam ni Miriam ay nasa dead end na siya ay muli niyang natagpuan ang Diyos. Katunayan ay hindi lang Panginoon ang kanyang nahanap kundi pati ang lalaking makakatuwang niya sa panibagong buhay.

Hindi tipikal ang love story nina Ardy at Miriam. dumaan sila sa isang supernatural courtship hanggang maging extraordinary ang kanilang buhay. Marami mang naging obserbasyon sa relasyon ng dalawa ay hindi ito naging hadlang dahil naka-sentro ang kanilang pagmamahalan sa diyos.

Ang pagbagsak sa buhay at muling pagbangon ang laman ng libro ni miriam na may titulong “he can catch you when you fall.” nakasaad dito ang buhay ng isang miriam quiambao na maraming pinagdaanan na masasakit sa buhay pero nagawang bumangon muli para maibahagi ang mga leksyon na dapat matutunan mula sa mga kabiguan.

Sa ngayon ay maaliwalas na ang buhay ni Miriam kasama ang mister na si Ardy. maluwag na sa kanyang loob na ikuwento ang mga mapapait na pangyayari sa kanyang buhay sa intensyon na kapulutan ito ng aral ng mga tao.

Higit sa lahat ay nais ni Miriam na gaya ng nangyari sa kanya ay marealize rin ng mga tao na ang Diyos ay laging handa tayong saluhin sa kabila ng ating mga kasalanan at kamalian, na sa bawat pagbagsak ay may panginoon na bubuhat sa atin para tayo ay muling tumayo at magpatuloy sa ating buhay.

Ang buhay nga ni Miriam Quiambao-Roberto ay isang patunay ng pagbagsak at pagbangon sa tulong ng maykapal at mga mahal sa buhay.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.