Pagtanggap at pagproseso ng bagong aplikasyon ng OECs ng mga OFW, sinuspinde ng DOLE
Suspendido muna ang pagtanggap at pagproseso ng mga bagong aplikasyon para sa overseas employment certificates o OECs ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, ito ay kasunod ng mga ulat na nakararating sa kanilang tanggapan na maraming OFWs ang nabibiktima ng illegal recruitment lalo na ang mga umaalis sa pamamagitan ng “direct hiring”.
Tatagal ng mahigit 15 araw ang suspension order at epektibo ito simula sa November 13 hanggang December 1.
Inatasan ng DOLE ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ipatupad ang suspensyon sa lahat ng land-based recruitment agencies.
Sa pagtaya ng DOLE, nasa 75,000 na bagong aplikasyon para sa OECs ng mga OFWs ang maaapektuhan ng suspensyon.
Nilinaw naman ni Bello na hindi sakop ng suspension order ang mga OFWs na magtatrabaho sa international organizations, diplomatic corps, royal families at sea-based agencies.
Hindi rin apektado ang mga “balik manggagawa” o ang mga OFWs na nagbabakasyon lang sa Pilipinas at babalik din sa kanilang trabaho sa ibang bansa basta’t parehong trabaho pa rin ang kanilang babalikan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.