Sen. Richard Gordon, inireklamo ng plunder ni Sen. Antonio Trillanes IV sa Ombudsman
Reklamong plunder ang inihain ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Senador Richard Gordon sa Office of the Ombudsman.
Ito’y kaugnay sa umano’y pag-divert ni Gordon ng nasa P193 million na halaga ng kanyang pork barrel sa Philippine Red Cross, mula 2004 hanggang 2011.
Personal na nagtungo si Trillanes sa tanggapan ng Ombudsman ngayong araw ng Miyerkules (November 8,) upang isampa ang reklamo.
Sa kanyang dalawampu’t dalawang pahinang complaint, inihalintulad ni Trillanes ang aktibidad ni Gordon sa pork barrel scam ni Janet Lim Napoles.
Aniya, may anomalya at conflict of interest nang ilagak umano ni Gordon ang kanyang pork barrel sa PRC, na pinamumunuan ng senador hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni Trillanes na si Gordon maging si PRC Secretary General Gwendolyn Pang ay maaaring na gumawa ng pandarambong hindi lamang sa pagdivert ng P193 million na PDAF kundi pati sa disbursement ng PRC funds na nagkakahalaga ng P200 million.
Ayon kay Trillanes, maaaring ginamit ni Gordon ang pera sa kanyang nakaraang kandidatura noong 2010 Presidential elections at 2013 Senatorial race.
Nauna nang nagkainitan ang dalawang senador sa pagdinig ng Senado ukol sa mahigit anim na bilyong shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs o BOC, kung saan nadawit ang pangalan ng presidential son na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nito na si Atty. Manases Carpio.
Maalala ring naghain ng ethics complaint si Gordon laban kay Trillanes, na lalong nagpalala ng kanilang iringan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.