Pagbibigay ng security detail sa anak ng “drug queen,” kinumpirma ng pulisya
Kinumpirma ng Philippine National Police-Police Security Protection Group (PNP-PSPG) na nagtalaga sila ng mga pulis para bantayan ang anak ng tinaguriang “drug queen” na si Yu Yuk Lai.
Ito’y matapos maaresto si PO3 Walter Vidad kasama ni Diane Yu Uy sa kaniyang condominium unit malapit sa Malacañang noong Lunes, kung saan nasabat ng mga otoridad ang P10-milyong halaga ng shabu.
Ayon sa hepe ng PNP-PSPG na si Chief Supt. Joel Crisostomo Garcia, lingid sa kanilang kaalaman na si Uy pala ay ang anak ng drug queen na nakapiit ngayon sa Correctional Institution for Women.
Mula nang maisagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang raid, ni-relieve muna sa kaniyang pwesto si Vidal upang maimbestigahan.
Paliwanag ni Garcia, humingi ng police security si Uy noon pang 2010 dahil na-kidnap sila ng kaniyang kapatid na si Joann noong May 21, 2006 sa EDSA Central Mall sa Shaw Boulevard.
Nagsagawa ng threat assessment ang PNP Directorate for Intelligence at napagbigyan ang kaniyang request noong 2014, na nire-renew naman ni Uy tuwing anim na buwan.
Aniya pa, hindi na sila nagsagawa ng masinsinang background check kay Uy matapos matukoy na may banta nga sa buhay nito.
Dahil dito, hindi naman lumabas na si Uy pala ay anak ng nahatulang drug dealer at wala rin naman itong criminal record noong panahong iyon.
Dagdag pa ni Garcia, hindi nila masasabing nagkaroon ng lapse sa ginawang assessment dahil validation lang naman ito base sa mga reports.
Kaugnay naman ng pagre-request ni Uy kay Vidal mula pa noong 2015, ipinaliwanag ni Garcia na kadalasan itong nangyayari kapag napagkakatiwalaan na ng VIPs ang naitalagang pulis sa kanila.
Bagaman sa palagay ni Garcia ay walang kinalaman si Vidal sa iligal na gawain ni Uy dahil wala naman itong iniulat sa kanila, isasailalim pa rin nila ito sa imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.