Atio Castillo, namatay sa bugbog at hindi sa sakit sa puso-final autopsy
Lumabas sa final autopsy na isinagawa ng pulisya na ang totoong ikinamatay ng law student na si Horacio “Atio” Castillo III ay ang mga natamo niyang injury dahil sa panggugulpi sa kaniya sa initiation rites ng Aegis Juris fraternity.
Taliwas ito sa iginigiit ng isa sa mga pangunahing suspek na si John Paul Solano, na ang ikinasawi ni Castillo ay ang matagal na nitong iniindang sakit sa puso na hypertrophic cardiomyopathy o enlargement of the heart.
Ibinunyag ito ni Dr. Joseph Palmero ng Philippine National Police (PNP) medico-legal division sa kanilang final autopsy report.
Nakasaad dito na namatay si Castillo dahil sa “severe blunt traumatic injuries” na kaniyang natamo sa kaniyang magkabilang upper limbs.
Matatandaang pinagbu-bugbog ng mga miyembro ng fraternity si Atio sa kaniyang mga braso bilang bahagi ng kanilang initation rites.
Paliwanag ni Palmero, ang iginigiit ni Solano sa kaniyang depensa ay tanging provisional anatomic diagnosis lamang dahil enlarged ang puso nito nang ginawa ang autopsy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.