Opisyal ng Makati, nanindigang sa kanila ang BGC

By Kabie Aenlle November 07, 2017 - 01:36 AM

 

Iginiit ng isang opisyal ng Makati City na nananatiling sakop o pag-aari ng kanilang lungsod ang Bonifacio Global City (BGC).

Ito’y sa kabila pa ng inilabas na desisyon ng Court of Appeals (CA) na ang BGC ay bahagi ng Taguig City.

Sa pahayag na inilabas ni Makati legal officer at spokesperson Michael Arthur Camiña, nilinaw niyang ang ruling na inilabas ng CA kamakailan ay kaugnay lang ng nauna nitong desisyon sa kaso kung saan inakusahan ng Taguig ang Makati ng forum shopping.

Ani Camiña, hindi nakasaad sa desisyon ng CA na pinagtitibay nito na Taguig ang nagmamay-ari sa BGC.

Paliwanag niya, base sa isa pang hiwalay na desisyon ng CA na pumapanig sa Makati City, hindi lang nabigo ang Taguig na magpresenta ng matibay na ebidensya, kundi nagsumite rin sila ng mga pekeng dokumento sa korte.

Dagdag pa ni Camiña, sa Makati ang BGC base sa mga legal at historical evidence.

Sa ruling kasi ng CA Special Former Sixth Division, nakasaad na bigo ang Makati na magbigay ng mga bagong grounds para mapagbigyan ang pagbaliktad sa kanilang March 8 resolution na pumapabor sa Taguig.

Sa ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng kopya ng kanilang desisyon ang Makati City Hall.

Matatandaang pinag-aagawan ng dalawang lungsod ang BGC na hitik sa mga mararangyang shopping malls, condominiums, mga gusali at establisyimento.

Sinabi rin ni Camiña na patuloy nilang ilalaban ang kanilang karapatan sa pag-aari nila sa BGC.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.