Binalaan ni Sen. Grace Poe ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) na dapat nilang aksyunan agad ang mga glitch na nararanasan ng mga pasahero, partikular na ang pag-usok ng isang train coach kahapon.
Hinimok ni Poe, na chairman ng Senate Committee on Public Service, ang pamunuan ng MRT na magsagawa ng masinsinang technical evaluation sa lahat ng iba pa nilang mga coaches.
Ito’y upang matiyak na wala nang mga delikadong glitches na mangyayari muli, at para na rin malaman nila kung ano na ba talaga ang estado ng mga tren sa pagiging prone sa pagkakasira.
Paalala ni Poe, nasa kamay ng management ang pagsuspinde sa buong operasyon ng MRT, at nakadepende naman sa kanilang mga technical staff ang pag-tukoy kung gaano katindi ang panganib na maaring idulot ng aberya.
Ilang linggo na rin aniya mula nang igiit sa kanila ng MRT management sa budget deliberations na ligtas pa rin itong gamitin.
Ngunit nitong mga nagdaang araw, sinabi ni Poe na tila nagdu-duda na siya sa pagtitiyak na ibinigay sa kanila ng mga opisyal.
Matatandaang kahapon, kinailangang pababain ang mga pasahero sa kalagitnaan ng Cubao at GMA Kamuning stations matapos umusok ang ilalim ng isang coach.
Dahil dito, nanawagan ang senadora sa Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng assessment sa kaligtasan ng mga tren.
Sakali man na hindi aniya kumilos agad ang mga opisyal, sila ang mananagot kapag may hindi magandang nangyari sa kasagsagan ng mga aberya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.