CBCP mangunguna sa muling pagtitipon sa EDSA
Magsasagawa ng pagkilos ang Catholic Bishops Conference of the Philippines at iba’t ibang mga multi-sectoral groups bukas, Nov. 5. upang ipanawagan ang pagkakaisa ng bansa.
Tinaguriang “Lord Heal Our Land Sunday” o “Start the Healing Campaign” ang gaganaping misa sa EDSA Shrine ganap na alas-tres ng hapon.
Sa nasabing misa, bibitbitin ng mga dadalo ang imahe ng Our Lady of Fatima, ang mismong imahe na dinala ng mga deboto noong 1986 EDSA People Power Revolution.
Hinimok ng CBCP ang publiko na sumali sa gagawing prusisyon.
Isa namang candle-light ceremony ang ikakasa sa People Power Monument at mag-aalay rin ng panalangin na ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Ang “Lord Heal Our Land Sunday” ay simula ng 33-araw na aktibidad ng simbahan para sa patuloy na paghilom ng bansa, at matatapos sa December 8, kasabay ng pista ng Immaculate Concepcion.
Ayon naman kay dating DepEd Sec. Armin Luistro, ang gaganaping pagkilos ay hindi laban kontra-gobyerno o dahil sa pulitika kundi ito umano ay para sa sambayanang Pilipino na magkaisa na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.