Roque sa mga DDS: Huwag banatan ang mga lehitimong journalists

By Kabie Aenlle November 04, 2017 - 04:41 AM

Nakiusap si incoming Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na lubayan sa mga pag-atake ang mga lehitimong mamamahayag.

Ito ang naging pahayag ni Roque matapos ang naging kontrobersyal na panayam niya sa programa sa radyo ng supporter ni Pangulong Duterte na si RJ Nieto, na kilala sa kaniyang Facebook page na “Thinking Pinoy.”

Sa kaniya kasing programa kung saan naging guest niya si Roque, hinimok ni Nieto ang tagapagsalita na magbato ng “hollow block” sa Rappler reporter na si Pia Ranada.

Matatandaang nagbabala si Roque kamakailan na magbabato siya ng hollow blocks sa mga pasaway na kritiko ng administrasyong Duterte.

Gayunman, sinagot niya si Nieto na dapat ay pipiliin pa rin ang mga gagawing target nito.

Sa kaniyang post sa Facebook, Biyernes ng gabi, nanawagan siya sa kaniyang mga “DDS friends” na tigilan na si Ranada.

Apela niya sa mga ito, huwag batuhin ng anuman ang mga lehitimong journalists lalo na ang mga kritiko, bagkus ay bigyan na lamang aniya sila ng “hot pandesal.”

Samantala, naghain na si Ranada ng reklamo sa Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) laban sa radio station na DWIZ kung saan umeere ang programa ni Nieto dahil aniya sa mga banta ng host.

Mariin niya ring binatikos sa social media ang mga sinabi ni Nieto sa programa at tinawag itong “act of cowardice” na walang lugar sa propersyon ng pamamahayag.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.