Video ng isang Caucasian lumutang, kasama ng SAF 44 na nasawi sa Mamasapano
Kasama sa nasawi ang isang dayuhan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Sa isang video na ibinahagi ng isang TV journalist na nag-cover sa imbestigasyon sa madugong engkwentro sa Mamasapano sa Inquirer, nakita ang isang dayuhan na duguan at nakabulagta sa mismong lugar na kung saan nasawi ang 44 na Special Action Force troopers.
Nakita ang katawan ng dayuhan ng isang hinihinalang Amerikano sa unang ilang segundo at huling parte ng halos walong minutong video na nakuha umano ng TV journalist sa isang source mula sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Matagal ng usap-usapan sa Central Mindanao na may mga Amerikanong kasama ang mga SAF commandos nang isagawa nila ang “Oplan Exodus” na target ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir alyas “Marwan”.
Batay sa impormasyong kumakalat sa Central Mindanao, dalawang Amerikano ang namatay kasama ang 44 na SAF commandos sa nasabing operasyon ngunit agad naman itong pinabulaanan ng US Embassy dito sa Maynila.
Ilang linggo matapos ang Mamasapano clash, napabalitang itinigil na ang Joint Special Operations Task Force-Philippines ng Estados Unidos.
Sa video, sa tuwing matatapat ang camera sa nakabulagtang caucasian, tinutukoy siya ng mga nag-uusap sa video bilang “buddy”.
Narito ang pag-uusap na ayon sa TV journalist ay binigkas sa diyalektong Maguindanaoan at isinaling-wika na lamang sa Pilipino:
“Nahirapan si buddy. Bakit ginanyan niyo?”
“Nakakaawa.”
“Nahirapan si buddy.”
At biglang gumamit ng Ingles ang mga nagsasalita:
“Buddy, what happened to him again?”
Ayon naman sa source ng TV journalist, may dalawang Caucasians na kasamang nasawi sa engkwentro ngunit isa lamang ang malinaw na nakita sa video. Isa sa mga ito ay inilarawang may asul na mga mata.
Sa pagpapatuloy ng video, idinitalye ng mga nagsasalita ang kanilang nakikita na may halong paguusisa sa kung ano ang nangyari sa mga katawang nakahandusay.
Narito ang isa pang bahagi ng pag-uusap:
“Ito si buddy, nahirapan.”
“Isang platoon ito ano?”
“Wala ka na hahawakan dyan.”
“Nahirapan si kaibigan.”
“Etong asset nila, nahirapan.”
“Eto yung ‘S2’ nila.”
Nang hingan naman ng komento ng Inquirer ang isang source mula sa MILF, sinabi nito na iyon ang kaniyang unang pagkakataon na makita ang nasabing video,
gayunpaman, kinumpirma niyang Maguindanaoan nga ang diyalektong gamit ng mga nagsasalita sa video pero ang punto ng mga ito ay tulad ng mga taga central Maguindanao.
Hiniling ng mga sources ng Inquirer na itago ang kanilang pagkakakilanlan dahil sa pagka-sensitibo ng isyu at dahil na rin sa kasalukuyang isinasagawang imbestigasyon na pinasimulan ni Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa “alternative truth” sa nangyari sa Mamasapano.
Samantala, may nakuhang impormasyon rin ang Inquirer noong February sa ilang military sources na mayroong walong Amerikanong nakaposte sa abandonadong base militar ng Armed Forces of the Philippines sa Shariff Aguak na kabisera ng Maguindanao malapit sa Mamasapano para bantayan ang isinasagawang “Oplan Exodus”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.