Duterte, isusulong ang distribusyon ng listahan ng mga iligal na droga sa mga paaralan
Bilang bahagi ng kampanya kontra iligal na droga, nais ni Pangulong Duterte na magbigay sa mga paaralan ng listahan ng United Nations ng mga ipinagbabawal na gamot.
Ito ang naging pahayag ng pangulo sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng Center for Brighter Beginning sa Davao Convention Center.
Anya, makabubuti ito upang malaman ng mga kabataan ang magiging implikasyon at epekto ng mga kemikal mula sa mga ipinagbabawal na droga.
Ang listahan na tinutukoy ng pangulo ay ang binalangkas ng International Narcotics Control Board o INCB.
Sa nasabing listahan nakasulat ang mga “precursors” at mga kemikal na kadalasang ginagamit sa produksyon ng mga narcotic drugs at iba pang psychotropic substances.
Nagbabala ang pangulo sa mga posibleng maging epekto ng paghithit ng marijuana, paggamit ng cocaine at ecstasy pills, heroin, Lysergic acid diethylamide o LSD, shabu at iba pang droga.
Sinabi rin ng Pangulo na naging “in denial” ang Estados Unidos sa lala ng problema ng kanilang bansa sa iligal na droga hanggang idineklara ang national public health emergency ni Pangulong Trump.
Iginiit ng Pangulo na alkalde pa lamang siya ng Davao ay kitang-kita niya na ang lala ng prolema ng US sa droga.
Tinawag din ng pangulo ang opioid addiction sa Amerika na kumikitil sa 140 na buhay kada araw na isang “national shame”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.