Curfew sa mga kabataan sa Mindanao, itinutulak ni Francis Tolentino
Hinimok ni Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino ang mga alkalde sa Mindanao na magpasa ng ordinansa sa kanilang mga nasasakupan na magpapataw ng curfew sa mga menor de edad.
Sa isinagawang League of Municipalities of the Philippines – Mindanao Island Cluster Conference, kung saan guest speaker si Tolentino at dinaluhan ng 380 na mga mayor ng Mindanao ay sinabi nito na makakatulong ang curfew sa anti-criminality campaign ng Duterte administration.
Inihalimbawa ni Tolentino ang isang ordinansa sa isa sa mga bayan sa Luzon na nagpapataw ng curfew sa mga kabataan simula alas diyes ng gabi hanggang alas cuatro ng umaga. Sa ilalim ng naturang ordinansa, mayroong kaukulang parusa ang mga magulang, lokal na opisyal, at mga barangay tanod kung may mahuhuling kabataan na pakalat-kalat sa kalsada sa panahon ng curfew.
Inendorso naman ni League of Municipalities of the Philippines (LMP) president at alkalde ng Socorro, Oriental Mindoro, Ma. Fe Villar Brondial, ang mungkahi ni Tolentino.
Hinimok rin niya ang mga kapwa mayor na dumalo sa pagtitipon na gamitin ang template resolution mula Luzon para mas madaling maipasa ang curfew sa mga menor de edad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.