Pagpapalaya kay Rolito Go, kinatigan ng Court of Appeals
Ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon ng Bureau of Corrections (BuCor) na kumukwestyon sa naunang ruling ng Muntinlupa City Regional Trial Court kung saan pinapayagan nang makalaya sa pagkakakulong si Rolito Go.
Sa 12-pahinang desisyon ng CA 11th Division, sinabi nitong walang hurisdiksyon ang CA sa usapin at tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihan na i-review ang pasya ng RTC.
Una nang kinuwestyon ng BuCor ang pasya ng Muntinlupa RTC na mapalaya si Go.
Sa pagpapalaya kay Go, pinagbatayan ng mababang korte ang panig ni Go na noon pang August 21, 2013 natapos ang pagsilbi nito sa sentensyang ipinataw sa kaniya sa kasong murder.
Ito ay kung ibabawas umano ang mga pribilehiyo ni Go, kabilang ang regular good conduct time allowance at special credit time allowance.
Pero iginigiit ng BuCor na sa January 31, 2022 pa matatapos ang paninilbihan ni Go sa hatol sa kaniyang reclusion perpetua.
Sinabi ng CA na ‘improper remedy’ ang ginawa ng BuCor na ihain sa CA ang apela dahil sa ilalim ng Rule 45 ng Rules of Court, dapat ay naghain ang BuCor ng petition for review on certiorari sa mataas na hukuman.
Sa Apr. 28, 2014 decision ng Muntinlupa RTC, pinagbigyan nito ang petition for habeas corpus ni Go.
Ayon sa mababang korte, sa ilalim ng BuCor manual, ang preso na mayroong ‘penal colonist status’ gaya ni Go ay automatic na nabibigyan ng commutation mula sa life sentence hanggang 30 years imprisonment,
Ang nasabing proseso sa ilalim ng BuCor Operating Manual ay nagamit na sa iba pang mga preso.
Sinabi ng lower court na kung hindi ibibigay kay Go ang nasabing pribilehiyo ay malalabag ang kaniyang constitutional right to equal protection of the law.
Si Go na nauna nang na-diagnose na may colon cancer, ay nahatulan dahil sa pagpatay sa college student na si Eldon Maguan sa pagtatalo sa kalsada noong 1991 sa San Juan City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.