2 ang patay sa aksidente sa Antipolo City
Dalawa ang nasawi kabilang ang isang taong gulang na bata, at sugatan ang siyam na iba pa matapos magsalpukan ang isang dump truck at van sa Sumulong Highway sa Antipolo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Antipolo police, nasawi ang isang 76 na taong gulang na babae at ang isang taong gulang na bata na pasahero ng kulay puting van.
Nakaligtas naman ang kakambal ng isang taong gulang na bata.
Batay sa pahayag ng mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng truck at sinakop nito ang kabilang lane ng kalsada sa pakurbadang bahagi ng SUmulong Highway.
Sinalubong nito ang van at nagbanggaan ang dalawang sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact, nagpaikot-ikot pa ang van at saka humampas sa gilid ng kalsada, habang tumagilid naman ang truck.
Ayon kay Dr. Eduardo Urbano, general surgeon sa Amang Rodriguez Hospital, maayos na ang kondisyon ng siyam na
nasugatan.
Ang mga sugatan na sakay ng van ay pawang magkakamag-anak na galing Abra at pauwi sana sa Mabitac, Laguna.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang driver ng truck na tumakas matapos ang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.