Pagdurog sa mga terorista at komunista prayoridad ng bagong AFP Chief-of-Staff
May bago nang pinuno ang Armed Forces of the Philippines.
Ito ay sa katauhan ni Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero, na dating hepe ng East Mindanao Command.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Guerrero na ipagpapatuloy niya ang laban ng pamahalaan kontra mga terorista at mga komunistang grupo.
Magdadagdag rin umano ang AFP ng mas maraming sundalo upang punan ang kakulangan sa pwersa ng pamahalaan.
Kinilala rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging kontribusyon ni dating Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa bansa sa loob ng 38 taong panunungkulan niya bilang isang sundalo.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi matatawaran ang achievement ni Año na namuno sa pakikipaglaban ng pamahalaan sa teroristang Maute-Isis sa loob ng limang buwan.
Nagresulta ang giyera sa Marawi ng pagkakapatay sa mahigit isang libong miyembro ng Maute-ISIS Terror group, kabilang na ang mga high-profile terrorists na sina Isnilon Hapilon at Maute Brothers na sina Omar, Abdullah at Maddi.
Bukod pa rito, highlight rin ng career ni Año ang matagumpay na pagkakapatay sa 343 miyembro ng Abu Sayyaf Group mula December 2016.
Katangi-tangi rin umano ang malawakang pagsuko ng mga personalidad ba miyembro ng mga teroristang grupo, dahil sa pinaigting na combat, intelligence at civil-military operations sa ilalim ng pamumuno ni Año.
Dahil rin sa patuloy na kampanya ng AFP, na-clear na ng militar ang aabot sa 126 na barangay mula sa mga teroristang Abu Sayyaf at New People’s Army.
Inanunsyo rin kanina ng pangulo na itatalaga niya bilang special assistant si Año na nauna na ring ikinunsidera bilang DILG secretary.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.