Year-round na student discount, pinalagan ng Piston
Dumaing ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) sa desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ang 20-percent student discount sa pamasahe kahit na weekends at holidays.
Ayon kay Piston President George San Mateo, ang mga driver ng mga public utility vehicles (PUVs) ang makakaramdam ng bigat ng epekto nito at hindi ang gobyerno, lalo na kapag bakasyon na.
Aniya, hindi naman nila ito tinututulan, pero tinanong niya ang LTFRB kung mayroon din bang maaring maibigay na diskwento o subsidy para sa mga driver na maaapektuhan ng bagong polisiya.
Sa ginagawa kasi aniya ng LTFRB, tila ang mahihirap pa ang nagsa-subsidize para sa mga kapwa mahihirap.
Dagdag pa ni San Mateo, gustong pag-awayin ng gobyerno ang mga driver at estudyante, pero siyempre aniya ay hindi nila magagawang patulan ang mga ito dahil estudyante din naman ang kanilang mga anak.
Kaya naman panawagan ng grupo sa gobyerno, akuin ang responsibilidad para sa publiko sa halip na ipasa sa mga drivers at pasahero.
Noong Lunes inanunsyo ng LTFRB na simula October 28, maari nang magamit ng mga estudyante ang kanilang 20 percent discount sa buong taon, kabilang na ang mga bakasyon, holidays at weekends.
Gayunman, hindi naman kasama sa memorandum ang mga estudyante ng post-graduate studies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.