Pagbili ng ticket pabalik ng Pinas, patunay na hindi sila tatakas ayon sa mga Trangia
Mariing itinanggi ng isa sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III na si Ralph Trangia na nagbalak siyang tumakas nang lumipad siya patungong Estados Unidos.
Sa inihain na joint counter-affidavit ni Ralph at kaniyang mga magulang na sina Rosemarie at Antonio, iginiit nilang wala silang balak takasan ang nakaambang pag-aresto sa kanila.
Ayon sa pamilya, isang patunay dito ang pagbili nila ng return tickets sa Pilipinas nang umalis sila patungo sa Chicago noong September 19.
Ang pagbili pa lang anila ng mga tickets pabalik ng bansa na may arrival date na October 10, 2017 ay nagbubura na dapat sa teoryang balak nilang takasan ang legal na proseso.
Dagdag pa nila, hindi dapat sila kasuhan ng obstruction of justice dahil nang umalis ang mag-ina patungong U.S., wala pa namang kasong nakahain laban kay Ralph.
Sa ngayon ay inaakusahan ng murder at paglabag sa Anti-Hazing Law si Ralph kaugnay sa malagim na sinapit ng freshman law student na si Castillo sa hazing sa kaniya ng Aegis Juris fraternity.
Kinasuhan naman ng obstuction of justice ang ama ni Ralph na si Antonio dahil sa kaniya nakapangalan ang pulang Toyota Strada na ginamit ng mga suspek sa pagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital.
Pinalagan naman ito ng pamilya dahil ang giit nila, ang simpleng pag-aari lang ng nasabing sasakyan ay hindi sapat na basehan para makasuhan ng obstruction of justice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.