Lusot na sa Kamara ang House Bill No. 06043 o ang SK Reform Bill na nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa bagong reporma, itinaas na ang edad na maaaring kumandidato biulang SK official, mula 15-17 patungong 18-21 anyos, nang sa gayon ay maging legal ang pagpasok ng iba’t ibang kontrata, at mapanagot na sa batas ang sinumang mapapalihis sa mga gagawing aksyon.
Ipagbabawal narin ang pagtakbo ng mga kamag anak na nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa second level of consanguinity.
Sasailalim narin sa leadership training programs ang mga opisyal nang sa gayon ay may sapat silang kaalaman sa pagpapatupad ng iba’t ibang polisiya, at mga tungkulin.
Dagdag pa sa mahahalagang probisyon ng panukala ay ang pagkakaroon ng local youth development councils, na siyang magbabalangkas ng mga isasagawang program at mga proyekto sa mga kabataan.
Isa sa Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa nagsulong ng SK Reform Bill, kung saan nasabi nya na magiging epektibo sa kanilang tungkulin ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa sandaling maisabatas na ito.
Dagdag pa ni Robredo, mas mahuhubog ang mga kabataan sa pagiging lider sa repormang isasagawa, at mas mailalayo na sa lumang sistema ng pulitika tulad ng katiwalian at political dynasty ang mga kabataang lider.
Nauna nang sinimulan ng yumaong asawa ni Rep. Leni Robredo na si Secretary Jesse Robredo ang council noong ito’y alkalde pa lang ng Naga City.
Isang bicameral conference committee naman ang gagawin upang pag-isahin ang mga probisyon ng panukala.
Ang napagkasunduang bersyon naman ay ipapadala sa Malacañang upang maaprubahan at malagdaan na ni Pangulong Aquino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.