Marathon runner, wagi matapos maligaw ang mga kalaban
Sa isang pambihirang pagkakataon, nanalo ang isang baguhang marathon runner sa kanyang sinalihang event sa Venice, Italy hindi dahil sa siya ang pinakamabilis sa takbuhan.
Sa halip, nanalo ang italyanong atletang si Eyob Faniel sa marathon event dahil naligaw ang mga runner na nauuna sa kanya.
Ayon sa ulat ng International Association of Athletic Federations (IAAF), isang grupo ng mga elite runners ang nagkamali ng daan na tinahak sa huling bahagi ng takbuhan.
Diumano, naligaw ang motorsiklong nagsisilbing guide ng mga runners kaya’t sumunod sa kanya ang grupo ng mga atletang nauuna sa laban.
Matapos mapagtanto ang pagkakamali, agad na nagbago ng direksyon ang mga runners ngunit naunahan na sila ng Faniel na noon ay nahuhuli ng isang minuto sa grupo ng mga nauunang runners.
Dahil sa pagkakamali ng mga nauunang atleta, nagawang maunahan ni Faniel ang mga ito at tuluyang matapos ang marathon sa first place sa loob ng dalawang oras, labing-dalawang minuto at labin-anim na segundo.
Dahil sa pagkapanalo, si Faniel ang itinututuring na kauna-unahang Italyanong nanalo ng naturang marathon sa loob ng 22 taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.