Umano’y financier ng Maute group, arestado sa Valenzuela
Arestado ng puwersa ng Criminal Investigation ang Detection Group-(CIDG) at militar ang umano’y miyembro ng teroristang Maute Group sa police operation sa Valenzuela City.
Kinilala ang naarestong suspek na si Aminkisa Macadato, na inaakusahang financier ng Maute group na naghasik ng terorismo sa Marawi City sa loob ng limang buwan.
Sa bisa ng search warrant, pinasok ng pinagsamang puwersa ng CIDG-NCR at CIDG-EPD at Philippine Army ang tahanan ni Macadato sa P. Santiago St., Paso De Blas sa Valenzuela City.
Diumano, bago pa man ang Marawi siege, sangkot na si Macadato sa pangungulekta ng mga armas, bala at maging pagkain para sa Maute group.
Patuloy rin umano itong nakikipag-ugnayan sa mga terorista sa kasagsagan ng Marawi siege.
Lumilitaw rin sa beripikasyon na pamangkin ni Farhana Maute ang suspek at anak ito ni Ibrahim Macadato na dating alkalde ng Butig, Lanao Del Sur.
Si Farhana ang ina ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute.
Nakumpiska ang isang granada at baril sa pag-iingat ng suspek nang maaresto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.