PISTON, hindi titigil sa pagsasagawa ng tigil-pasada kung itutuloy ang jeepney modernization program
Nagbanta ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON na hindi ititigil ang pagsasagawa ng tigil-pasada kung itutuloy ng gobyerno ang pagpapatupad ng jeepney modernization program.
Ayon kay PISTON national president George San Mateo, hindi sila ang natatalo sa kanilang ginagawa.
Sa katunayan aniya, ang gobyerno ang talo dahil nagkakansela pa ng klase at pasok sa opisina dahil lamang sa ikinakasa nilang kilos protesta.
Ani San Mateo, hindi na nila problema ang pagkakansela ng pasok, kundi problema na ito ng gobyerno.
Pero nilinaw ni San Mateo na hindi sila kontra sa modernization program, kundi sa “unjust” o hindi makatarungang plano na maaaring mag-alis sa pangkabuhayan ng aabot sa 600,000 na jeepney drivers at 300,000 na operators.
Kung kaya’t, kung igiginiit aniya ng pamahalaan na ipatupad ang modernization program, ay mapipilitan silang magpatuloy sa pagkasa ng transport strike sa susunod pang mga araw o buwan.
Ngayong araw ay ikinasa ng PISTON kasama ng iba pang transport group ang pangalawang tigil-pasada sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.