Pamumuno sa DILG isasalin na ni Roxas kay Sarmiento
Isasagawa na ang ceremonial turnover ngayong araw para sa bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay bagong DILG Sec. Mel Senen Sarmiento, sinabi nito na isasagawa ang turnover ngayong hapon. Simple lamang aniya ang gagawing turnover.
Ayon kay Sarmiento, marami na siyang planong atupagin sa DILG, kabilang ang pagtutok sa mga proyekto upang matiyak na walang nabibinbin.
Sinabi rin ni Sarmiento na ang pagbibitiw niya bilang secretary general ng Liberal Party ay para maiwasang mabahiran ng pulitika ang kaniyang pag-upo sa bagong pwesto.
Samantala, umalma ang malakanyang sa mga nagbibigay ng malisya sa appointment ni Pangulong Benigno Aquino III kay Sarmiento bilang bagong DILG secretary.
Sa harap ito ng alegasyon na may kinalaman sa darating na halalan ang pagtatalaga kay Sarmeinto na isa ring miyembro ng Liberal Party (LP).
Iginiit ni LP stalwart at Budget Secretary Butch Abad na qualifications ang naging basehan ng pangulo sa pagtatalaga kay Sarmiento sa puwesto.
Sinabi ni Abad na may sapat na karanasan si Sarmiento sa local government at naging pangulo din ito ng League of Cities ng ilang panahon.
Naging aktibo din aniya si Sarmiento sa pag-iikot sa bansa kung saan kasalamuha nito ang mga local governments at civil society groups kaya karapat-dapat ito sa puwesto sa DILG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.