PNP hindi na pwedeng magsagawa ng mga anti-drug operations ayon kay Duterte
Tinanggalan na ng kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police na magsagawa ng anti-llegal drug campaign base sa memorandum na kanyang nilagdaan noong October 10.
Base sa nasabing memo, tanging ang Philippine Drug Enforcement Agency na lamang ang magsasagawa ng operasyon kontra droga.
Inaatasan rin ng pangulo ang NBI, AFP, Bureau of Customs, Philippine Postal Corporation at iba pang ahensiya ng gobyerno at lahat ng ad hoc anti-drug task force na ipaubaya sa PDEA ang lahat ng operasyon laban sa mga indibidwal, grupo o sindikato na may kinalaman directly o indirectly sa iligal na droga.
Ayon sa pangulo, lahat ng impormasyon o data na natatanggap o hawak ngayon ng mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno ay dapat ipasa o ibigay sa PDEA para ito ang umaksyon o magpatupad ng kaukulang hakbang.
Bagaman bawal sa mga aktuwal na operasyon, nakalagay sa memo ng pangulo na gagamitin pa rin ang PNP bilang tagabantay sa perimeter o paligid ng lugar kung saan nagsasagawa ng anti-drug operations ang mga tauhan ng PDEA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.