Accreditation ng Uber nanganganib na naman dahil sa surcharge scheme
Nanganganib na maapektuhan ang accreditation ng transport network company (TNC) na Uber matapos ang kabiguang i-disclose sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang surcharge scheme.
Matatandaang kakatanggal lamang ng LTFRB sa isang buwang suspensyon na ipinataw sa TNC matapos makapagbayad ng 190 milyong piso.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, obligasyon ng Uber na ipagbigay alam sa tanggapan ang kanilang fare structure.
Ani Delgra, maaaring maapektuhan ang accreditation ng Uber ngunit hindi naman anya sinasabi ng opisina na sususpendihin o kakanselahin ang accreditation.
Anya, walang malinaw na regulasyon na nagbabawal sa Uber na magpatupad ng surcharge scheme.
Gayunpaman, iginiit ni Delgra na malinaw sa Memorandum Cicular 2015-015 na obligasyon ng TNCs na ipagbigay-alam sa LTFRB ang fare structure ng mga ito.
Sa pagdinig, sinabi ng mga kinatawan ng uber na mayroong ipinapataw na P60, P80, P100 na surcharge o depende sa destinasyon ng commuter.
Inaalam pa anya ng tanggapan kung may nagawa ngang violation ang Uber.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.