E.O para sa pagbuo ng bangko ng mga OFWs pirmado na ni Duterte
Magandang balita para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil magkakaroon na ng bangko na laan para lamang sa kanila.
Base sa executive order number 44 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, inaprubahan na nito ang pagbili ng Land Bank of the Philippines sa Philippine Postal Savings Bank para gawing Overseas Filipino Bank.
Kinakailangan lamang na aprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Securites and Exchange Commission, Philippine Deposit Insurnce Corporation at Philippine Competition Commission para tuluyan nang mabili ng Landbank ang Philippine Postal Savings Bank.
Inatasan din ng pangulo ang Landbank na maglaan ng kapital para lalong mapalakas ang pinaplanong pagtatayo ng bangko para sa mga OFWs.
Siyam na miyembro ang itatalagang board members ng Overseas Filipino Bank na siyang mangangasiwa sa pagpapatakbo ng bangko.
Una nang ipinangako ng pangulong na magtatayo siya ng bangko na laan lamang para sa mga Pinoy overseas para mapadali ang pagpapadala ng pera sa kanilang mga kaanak sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.