Preliminary hearing sa disqualification case kay Senador Grace Poe, diringgin ng SET ngayon
Kahit ano ay maaaring mangyari sa preliminary conference ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa kasong disqualification na isinampa ni Rizalito David laban kay Sen. Grace Poe na gaganapin ngayong araw.
Ito ay ayon ka Sen. Vicente Sotto III na kabilang sa mga miyembro ng SET na marami pang maaaring mangyari sa kanilang pagdinig sa inihaing kaso ni David na kumukwestyon sa citizenship ni Poe at sa kawalan ng karapatan nito na magsilbi bilang senador sa bansa.
Kabilang aniya sa mga posibleng maganap ay ang mauwi sa botohan ang tribunal para makabuo ng desisyon sa kaso.
Ayon din kay Sotto, ang susunod na pagdinig ay magaganap sa Sept. 20 o 21, o kaya ay wala pang isang buwan bago ang pasahan ng certificates of candidacy sa October 16.
Sa ilalim ng mga alituntunin ng SET, ang preliminary conference ay isinasagawa para sa paglilinaw ang mga isyu, pagkakaroon ng mga kaukulang dokumento, pagaanalisa ng mga testimonya ng mga testigo, at ng kung ano pa man na makakatulong sa disposisyon ng kaso.
Matatandaang iniakyat ni David ang kaso na ito sa SET noong nakaraang buwan, ngunit giit ni Poe, paso na o matagal nang tapos ang panahon kung kailan lamang dapat kwestyunin ang kwalipikasyon ng isang senador.
Ani Poe, mayroon lamang sampung araw matapos ang proklamasyon ng isang senador ang sinumang may nais na kumwestyon sa kwalipikasyon nito tulad ng residency at citizenship.
Naiproklama si Poe noong May 13 2013 kaya higit dalawang taon na ang nakalipas mula sa nakalaang panahon para gawin ito.
Nagsumite si Poe ng 107 pahinang sagot sa hamon ni David, kasama ang kaniyang birth certificate at iba pang mga certificates galing sa Bureau of Immigration, para patunayan ang kaniyang pagiging natural-born citizen at humiling sa SET na ibasura na ang nasabing kaso.
Samantala, para naman kay Atty. Katrina Legarda na isang children’s rights advocate, isang uri ng diskriminasyon sa mga abandonado ng bata o “foundlings” ang kasong inihain laban kay Poe.
Ani Legarda, sakaling magtagumpay si David sa kasong ito, lalabas na walang karapatang sibil at pulitikal ang mga abandonadong bata na walang kinikilalang mga tunay na magulang.
Ito aniya ay magiging paglabag sa batas na pumoprotekta sa mga abandonadong bata, at aniya hindi maaaring magkaroon ng magkahiwalay na batas para sa mga inabandonang bata na kilala ang mga magulang at doon sa mga wala talagang alam sa kung sino ang kanilang magulang dahil ito ay isang uri ng diskriminasyon at paglabag sa “equal protection of the law”.
Batay sa advisory na inilabas ng SET sa pamamagitan ni Supreme Court spokesman Theodore Te, sarado sa publiko at media ang magaganap na preliminary conference.
Ang mga oral arguments naman para sa kaso ay gaganapin sa Sept. 21 sa main session hall ng Supreme Court at magiging bukas sa publiko, ngunit may limitadong bilang lamang ng upuan na mailalaan para sa mga nais pumunta.
Sa mga hindi makakapunta ng personal, magkakaroon din naman ang Supreme Court information office ng livestream ng mga proceedings.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.