Security guard at foreman, persons of interest sa pagpatay sa magkasintahan sa Rodriguez, Rizal
Sasailalim sa DNA testing ang mga persons of interest sa pagpatay sa magkasintahang estudyante sa Rodriguez, Rizal.
Ang dalawang persons of interest ay ang naka-duty na security guard sa lugar na nakakita sa katawan ng magkasintahan at ang foreman na nakarinig ng pagsigaw ng isang babae sa lugar.
Kinilala ang security guard na si Mario Bautista, habang si Henry Molina naman ang foreman.
Ayon sa Rodriguez, Rizal Police, bukod sa pagsailalim sa DNA testing ay magbibigay rin ng salaysay ang dalawa sa mga otoridad tungkol sa kanilang kinaroroonan at kanilang nalalaman sa panahon na nagaganap ang krimen.
Matatandaang natagpuan ang walang buhay at nakagapos na mga katawan ng magkasintahang sina John Vincent Umiten at Charmaine Villarias, na pawang mga mag-aaral ng Colegio De Montalban noong October 4.
Kapwa hindi na makilala ang dalawa dahil sa laki ng pinsalang tinamo ng kanilang mga mukha na sinasabing hinampas ng matigas na bagay, habang hinihinalang ginahasa naman si Villarias.
Samantala, mariing kinundena ng Colegio De Montalban, na naka-half mast ang bandila, ang karumal-dumal na krimen.
Nagsagawa naman ng misa ang paaralan para sa dalawang biktima na dinaluhan ng mga mag-aaral na nakasuot ng itim na t-shirt.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.