Code of ethics, guide sa pagpopost sa social media ng government officials – Binay
Hinimok ni Senadora Nancy Binay ang mga kapwa opisyal ng gobyerno na sundan ng mga ito ang Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees sa tuwing magpopost sa kani-kanilang social media handles.
Aniya, ang naturang code of ethics ay ang magsisilbing ‘guide’ para sa mga opisyal ng gobyerno.
Ang pahayag ni Binay ay kasunod ng ginanap na Senate committee hearing noong Miyerkules patungkol sa paglaganap ng fake news, na dinaluhan nina Department of Foreign Affairs consultant RJ Nieto, Communications Assistant Secretary Mocha Uson, maging nila Edwin Lacierda, Abigail Valte, at Manalo Quezon na dating mga communication team head ng administrasyong Aquino.
Ani Binay, ang pagiging consultang ni Nieto ay isang ‘gray area’ kung kaya’t hindi malinaw kung sakop siya ng RA 6713. Ngunit ayon sa senadora, si Uson ay isang public official kaya kailangang sundan nito ang code of ethics para sa mga opisyal ng gobyerno.
Mungkahi ni Binay, kailangang sumailalim sa seminar ang mga bagong opisyal ng gobyerno, kung saan ituturo sa mga ito ang mga alituntunin na kailangan nilang sundan.
Aniya, posible rin na kasama sa kontratang ibinibigay sa mga public officials ang mga kailangan nitong sundin bilang bahagi ng pamahalaan.
Samantala, ayon naman sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, kailangang magkaroon ng social media policies ang pamahalaan upang hindi magkaroon ng kalituhan kung ang isa bang pahayag ng opisyal ng gobyerno ay isang opinyon o isang official statement.
Tutol rin ang KBP sa pagkakaroon ng panibagong batas na kokontra sa fake news.
Ayon sa legal counsel ng KBP na si Atty. Rejie Jularbal, mayroon nang sapat na batas na nagpoprotekta sa freedom of expression at ang kailangan ngayon ay ang mas maayos na pagpapatupad nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.