Anomalya sa bidding ng LTO para sa plaka ng mga sasakyan, ibinunyag ng isang mambabatas
Nabulgar ang umano’y anomalya sa public bidding para sa pagbili ng plaka ng Land Transportation Office (LTO) sa taong 2017.
Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Rep. Aniceto “John” D. Bertiz III (ACTS-OFW Partylist) na mayroong iregularidad sa public bidding ng vehicle license plates na nagkakahalaga ng P998.8 million.
Ayon kay Bertiz, noong July 21, 2017, naglathala ang LTO ng imbitasyon para sa bidding para sa pagbili ng mga plaka para sa taong ito. Nabanggit ng LTO sa nasabing anunsyo na gagamitin nila ang P998.8 milyon na inilaan ng pambansang budget para sa 2017.
Subalit sa isinagawang pre-bid conference noong Hulyo 31, nakuwestiyon ang Bids and Awards Committee na pinamumunuan ni Atty. Romeo G. Vera Cruz hinggil sa pagkukunan ng pondo ng nasabing proyekto.
Ito’y dahil aniya sa walang inilaan sa ilalim ng General Appropriations Act of 2017 o ang pagkakaroon ng special provision para sa paglalaan ng pondo sa nasabing proyekto.
Napaulat na sinabi ni Cruz na ang General Fund at ang GAA ay magkatulad-tulad na lamang aniya ng nababanggit sa “Motor Vehicle Registration and Driver’s Licensing Regulatory Services” ng GAA 2017 bilang source ng pondo para sa proyekto.
Inilutang din sa nasabing pre-bid conference na minanipula ang public bidding dahil ang Term of Reference ay kopyang-kopya sa proposal o sa brochure ng isang kasaling dayuhang kompanya.
Ayon kay Bertiz, sa kabila ng pagkabigo ng LTO na masagot ang usapin sa kawalan ng pondo at alegasyon ng manipulasyon sa bidding, itinuloy pa rin nito ang pagbubukas ng bids noong Setyembre 13, 2017.
Isinagawa ng LTO ang pagbubukas ng bids noong Setyembre 13, o 48 araw matapos ang huling araw ng paglalathala ng imbitasyon para sa bid hanggang sa pagbubukas ng bid.
Sa nasabing proyekto, tatlong bidder ang nagpahayag ng intensiyon na kinabibilangan ng Trojan Computer Forms/J.H. Tonnjes East GmbH, Utsch AG/Holy Family Printing Corporation (JV) at iPay Commerce Enterprises/EHA Hoffman International GmbH and Madras Security Printers Private Limited (JV).
Tanging ang Utsch AG/Holy Family Printing Corporation (JV) ang nadiskuwalipika matapos ang pagbubukas ng unang envelope.
Sa dalawang nalalabing bidder, sinabi ni Bertiz na ang Trojan Computer Forms/J.H. Tonnjes East GmbH ang nadeklarang may pinakamababang bid na nagkakahalaga ng P978.8 milyon.
Kung tutuusin aniya, ang pagitan ng inaprubahang budget para sa kontrata na P998 milyon at sa pinakamababang bid ng Computer Forms/J.H. Tonnjes East GmbH na P978.8 milyon ay P19.2 milyon lamang.
Ikinumpara ni Bertiz ang nangyaring public bidding ng license plates sa ilalim ng Motor Vehicle Plate Standardization Program ng LTO noong 2013 kung saan ang pagitan sa inaprubahang pondo at sa pinakamababang bid ay umabot sa P682 milyon.
Dahil dito, nanawagan si Bertiz sa LTO na muling tingnan ang public bidding upang masigurong nasunod ang mga kaukulang batas at prosesong legal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.