No parking zone sa EDSA mahigpit na ipatutupad ng PNP-HPG
Bukod sa pagsasa-ayos sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA mahigpit na ring ipatutupad ngayon ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police ang “no parking zone” sa kahabaan ng naturang daan.
Ipinaliwanag ni PNP-HPG spokesman P/Supt. Oliver Tanseco na napansin ng kanilang mga tauhan na maraming mga establishimento ang ginagawang parking area ang kahabaan ng EDSA.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Tanseco na wala ni isa mang baranggay mula sa Monumento sa Caloocan City hanggang sa Taft Avenue sa Pasay City ang nagpatibay ng ordinansa na nagpapahintulot para gawing paradahan ng sasakyan ang nasabing major thoroughfare.
“Kailangan nating ipatupad ang road discipline at tiyak na malaki ang maibubunga nito para mapaluwag ang ating mga daan lalo na ang EDSA”, ayon kay Tanseco.
Inirekomenda rin ng HPG na gumawa ng maayos na polisiya sa pagpasok at paglabas ng mga bus sa kanilang mga terminal sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Tanseco, “base sa inisyal naming obserbasyon, nakaka-abala rin ang mabagal na pagpasok at paglabas ng mga bus sa kanilang mga paradahan at ang mga ganitong ganapan ay nagpapabagal sa kabuuan sa daloy ng trapiko”.
Sa susunod na linggo ay magbibigay ng kanya-kanyang rekomendasyon ang mga tauhan ng PNP-HPG na naka-deploy sa kahabaan ng EDSA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.