Requirement na resibo sa bawat nilalaman ng mga balikbayan box, sinuspinde ng BOC
Hindi na muna itutuloy ng Bureau of Customs ang nauna nitong plano na hingian ng kung-ano anong mga rekisitos at resibo ang mga Overseas Filipino Workers na magpapadala ng balikabayan box sa kanilang mga kaanak dito sa Pilipinas.
Ito’y matapos na suspendihin ng BOC ang nauna nilang kautusan na nagsasabing dapat ay may kaakibat na mga resibo at dokumento ang mga laman ng mga balikbayan box upang makakuha ng ‘tax exemption’ sa kanilang mga ipinapadalang bagahe.
Ayon sa direktiba ni Customs Commissioner Isidro Lapeña, minarapat nilang ipatigil ang pagpapatupad ng Customs Administrative Order 05-2016 at Customs Memorandum Order (CMO) 04-2017 dahil sa maraming batikos na tinanggap ng direktiba mula sa publiko at sa mga OFW.
Ang suspensyon ay tatagal hanggang March 31 ng susunod na taon.
Bago ang implementasyon ng dalawang kautusan ng Customs, hindi kinakailangan ng mga OFW na magpakita ng resibo sa mga nilalaman ng kanilang ipinapadalang balikbayan box.
Otomatiko ring exempted sa tax ang mga bagahe na hindi lalampas sa P150,000 ang halaga ng nilalaman nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.