Bagong impeachment charges laban sa Chief Justice at Ombudsman tiniyak ni Duterte
Sasampahan ng impeachment case ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Ombudsman Conchita Carpio Morales at Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng pangulo na maghahain siya ng bagong impeachment complaint laban kay Sereno bukod pa sa inihaing impeachment charges ni Atty. Larry Gadon.
Sa kaso aniya ni Morales, magiging basehan ng kanyang impeachment complaint ang “selective justice” at paggamit ng falsified documents sa ginagawang imbestigasyon sa kanyang bank accounts.
Malinaw ang pahayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na wala silang ibinibigay na dokumento sa Ombudsman.
Inihayag pa ng pangulo na maging si Chief Justice Sereno ay sasampahan din ng impeachment complaint dahil sa isyu ng graft o katiwalian.
Kabilang umano sa grounds ang hindi nito pagdedeklara ng kanyang kinita sa PIATCO case sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at pagbili ng bullet proof na Sports Utility Vehicle gamit ang pera ng gobyerno.
Kasama rin daw dito ang pagcheck-in nito sa mga presidential suite sa ibang bansa.
Pinadugo aniya ni sereno ang gobyerno nang magsilbi itong government counsel sa PIATCO case.
Una ng itinanggi ni Sereno ang mga paratang na katiwalian at iginiit na aprubado ng SC en banc ang kanyang pagbili ng sasakyan at lahat ng mga ginagastos bilang chief justice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.