Rep. Mel Senen Sarmiento, handa na sa bagong trabaho bilang DILG Chief
Handa na si Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na sumabak sa mga bagong hamon na kanyang kakaharapin sa pagiging bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government o DILG, kapalit ni Liberal Standard Bearer Mar Roxas.
Sa isang statement, sinabi ni Sarmiento na labis siyang nagpapasalamat kay Pangulong Benigno Aquino III dahil sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na pagsilbihan ang publiko at maipagpatuloy ang reporma sa DILG, sa ilalim ng ‘Daang Matuwid’.
Ilan aniya sa mga ito ay ang napag-usapan nila ni yumaong DILG Secretary Jesse Robredo, noong sila pa’y mga alkalde.
Kabilang aniya sa mga itutuloy niyang reporma ay ang modernisasyon ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at iba pang ahensya sa ilalim ng DILG; at paglaban sa katiwalian.
Tiniyak din ni Sarmiento na magiging “neutral” ang DILG para sa isang mapayapa, tapat at maayos na 2016 Elections, kahit pa siya ay tumatayong Secretary General ng Partido Liberal.
Inamin naman ni Sarmiento na maituturing na napakalaking hamon ang humalili kay Roxas sa DILG.
Pero sa tulong ng mga panalangin at ng mamamayan, tiwala si Sarmiento na epektibo niyang magagampanan ang kanyang bagong mandato.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pagbati si House Speaker Feliciano Belmonte Jr kay Sarmiento, na kasamahan sa Kamara at kaalyado sa LP.
“I congratulate our colleague Cong. Mel Senen Sarmiento on his well deserved appointment as the new Secretary of the DILG. We wish Mel more power in his new role of service to our people,” ayon kay Belmonte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.