Testimonya ni Tomas Bagcal tungkol kina Carl Arnaiz at “Kulot,” nag-iba na naman

By Kabie Aenlle September 22, 2017 - 04:12 AM

 

Biglang nabago ang kwento ng taxi driver na si Tomas Bagcal tungkol sa umano’y pangho-holdap sa kaniya ni Carl Angelo Arnaiz.

Bukod dito, napasok na rin sa kaniyang testimonya ang binatilyong si Reynaldo “Kulot” De Guzman.

Taliwas sa una niyang sinabi na nag-iisa lang si Arnaiz nang isakay niya ito at mangyari ang aniya’y pangho-holdap, sinabi ni Bagcal sa bago niyang testimonya na kasama ni Arnaiz si Kulot sa pagsakay pa lang sa kaniyang taxi.

Binawi rin ni Bagcal ang sinabi niya na may baril na dala si Arnaiz noon, at sa halip ay iginiit na wala itong baril dahil kutsilyo ang ginamit nito sa kaniya.

Isang araw matapos siyang isailalim sa protective custody ng National Bureau of Investigation (NBI), sinamahan siya ng mga tauhan nito para balikan ang mga dinaanan niya sa C-3 Road nang nangyari ang insidente.

Isinadula pa ni Bagcal kung paano siya hinoldap ni Arnaiz pagdating nila sa 5th Avenue, matapos siyang parahin nito sa Pasig.

Ipinakita rin niya sa otoridad kung paano niya isinuko ang kaniyang wallet kay Arnaiz matapos aniya siyang tutukan nito ng kutsilyo sa leeg.

Nakatulog lang aniya si Kulot sa sasakyan at walang kamalay-malay sa plano ng kasama, at nagising lang nang magdeklara na ng holdap si Arnaiz.

Umiiyak aniya si De Guzman nang iginigiit nito sa driver na wala siyang kinalaman at na isinama lang siya ni Arnaiz.

Hindi aniya nagawa ni Arnaiz na makalayo dahil kinuyog na siya ng mga residente, at hanggang sa dalhin niya ito sa presinto ay binugbog pa silang dalawa ng mga pulis na nahinto lang nang senyasan sila ng isang opisyal.

Isa aniya sa mga pulis ang nagsabi ng “itapon na yan,” patungkol kina Arnaiz at De Guzman, at ani Bagcal, alam na niya kung ano ang ibig sabihin nito.

Pagkatapos nito ay isinakay pa aniya niya sina Arnaiz at De Guzman kasama nina PO1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita sa kaniyang taxi, pero tumanggi na siyang magbigay ng iba pang detalye.

Matatandaang base sa eksaminasyong ginawa ng Philippine National Police (PNP), nagpositibo sa gun powder residue si Arnaiz na senyales na isang baril ang pinaputok malapit sa kamay nito, kung hindi man mismong siya ang nagpaputok.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.