Bagaman hindi na P1,000 ang budget na ibibigay ng Kamara sa Commission on Human Rights, hindi pa rin naman nila makukuha nang buo ang kanilang hinihinging pondo.
Ayon kasi kay appropriations committee chair Rep. Karlo Alexei Nograles, P508 million lang ang ibabalik na pondo sa CHR, sa halip na P623.8 million na kanilang hinihingi.
Paliwanag ng mambabatas, kinailangan nilang bawasan ang mga maintenance at iba pang operating expenses ng CHR tulad na lamang ng traveling expenses.
Iminungkahi rin ni Nograles na dapat lawakan ng CHR ang kanilang tungkulin sa pagprotekta sa karapatang pantao, at huwag lang tumutok sa mga nalalabag ng otoridad sa kasagsagan ng drug war.
Hinimok niya rin ang CHR na bagaman hindi nila maibibigay nang buo ang hinihingi nilang pondo, dapat ipakita ng ahensya ang sinseridad nito at patunayan na nagagawa talaga nila ang kanilang tungkulin.
Maari naman aniyang mapag-usapan ang pagtaas ng budget ng CHR sa susunod na taon.
Samantala, natuwa naman ang mga senador sa pagbibigay ulit ng Kamara ng pondo sa CHR at iba pang mga ahensyang una nitong binigyan ng P1,000 na budget.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, dahil dito ay mawawala na ang mga pangambang mauuwi sa deadlock ang panukalang 2018 national budget sa Kongreso.
Para naman kina Sen. Panfilo Lacson at Tito Sotto, malaking oras ang matitipid nila at bawas sakit ng ulo ang ginawang hakbang ng Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.