Death toll sa lindol sa Mexico umakyat na sa 216
Umabot na sa 216 ang bilang ng mga patay sa naganap na magnitude 7.1 na lindol sa bansang Mexico.
Ibinaba ng mga otoridad ang bilang ng mga casualties sa 216 mula sa naunang 248 makaraang maisa-ayos ang kanilang mga listahan.
Gayunman ay marami pa rin ang mga nawawala makaraan ang malakas na lindol na nagpabagsak rin sa ilang mga bahay at gusali sa Puebla, Mexico City at Morelos.
Sinabi ng mga otoridad sa nasabing bansa na ang epicenter ng pagyanig ay natagpuan sa Silangan Hilagang-Silangan ng San Juan Raboso.
May lalim lamang na 4.5 kilometers ang nasabing pagyanig kaya mas naging mapaminsala ayon sa paunang ulat ng U.S Geological Survey.
Karamihan sa mga namatay ay mga mag-aaral sa mga nag-collapsed na mga paaralan ayon na rin sa pahayag ni Mexican President Enrique Peña Nieto.
Naganap ang malakas na lindol ilang oras lamang ang nakalilipas makaraan ang ginawang earthquake drill sa nasabing lugar bilang pag-alaala sa naganap na malakas na lindol noong 1985 na kumitil sa maraming buhay.
Nagsimula na ring dumagsak sa Mexico ang mga tulong mula sa ibang bansa makaraang umapela ng tulong ang mga opisyal ng pamahalaan doon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.