Sandiganbayan, pinaglalabas na ng hatol sa kasong graft laban kay Rep. Imelda Marcos
Napatunayang guilty ng Office of the Ombudsman sa kasong graft si dating Unang Ginang at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos.
Ito ay kaugnay sa pagkakaroon niya ng financial interests sa ilang Swiss foundations noong panahon na siya ay nasa pwesto sa gobyerno sa kasagsagan ng martial law.
Sa 28-pahinang memorandum na isinumite ng Ombudsman sa Sandiganbayan Fifth Division, sinabi nitong “guilty beyond reasonable doubt” si Marcos base sa mga documentary exhibits at testimonya ng mga witness na naiprisinta sa loob ng 26 na taon nang kaso.
Dahil dito, hiniling ng Ombudsman sa Sandiganbayan na maglabas na ng hatol laban sa dating unang ginang.
Batay sa case information na inihain noong ang 1991, kinasuhan si Marcos ng 10 bilang ng graft dahil sa interest at partisipasyon sa ilang non-government organizations sa Switzerland mula 1978 hanggang 1984.
Si Marcos na noon ay nakaupo bilang Minister of Human Settlements, Metro Manila Governor at miyembro ng Interim Batasan Pambansa, ay pinagbabawalang makilahok o magkaroon ng ugnayan sa mga sangkot na NGOs.
Ang mga foundations na tinukoy sa kaso ay ang Vibur Foundation, Maler Establishment, Trinidad Foundation, Rayby Foundation, Palmy Foundation, Aguamina Foundation, at Avertina Foundation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.