AFP, humingi ng paumanhin sa hindi agad pagkumpirma sa pagkaka-rescue kay Fr. Suganob
(UPDATE) Hindi agad kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kabilang si Father Teresito ‘Chito’ Suganob sa dalawang bihag na nailigtas nitong weekend mula sa kamay ng ISIS-inspired na Maute Terror Group.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ang patuloy na operasyon laban sa mga terorista at pagsusumikap na mailigtas ang nalalabi pang mga bihag ang tinukoy na dahilan ng AFP sa pagtangging kumpirmahin ang balita.
Ayon ka AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, tuloy-tuloy ang kanilang operasyon, at anumang detalye hinggil sa mga nakalipas na military operations sa Marawi City ay maaring makaapekto sa effort na ginagawa ng mga sundalo.
Humingi naman ng paumanhin sa publiko si Padilla sa maingat na paglalabas ng mga impormasyon.
“Ipagpaumanhin n’yo kung may mga oras na ayaw naming magbigay ng impormasyon dahil pinapangalagaan namin ang safety ng hostages,” ani Padilla.
Pero sinabi din ni Padilla na mamayang ala 1:30 ng hapon ay may magaganap na press briefing sa Camp Aguinaldo.
Sa ngayon, sinabi ni Padilla, na nananatiling nasa 40 hanggang 60 na hostages ang hawak ng mga terorista sa Marawi.
Ang bilang naman ng mga kalaban ay nadagdagan pa at ngayon ay nasa 60 hanggang 80 na.
Posible ayon kay Padilla na ang ilang hostages ay pinwersang sumapi sa Maute kaya dumami ang kanilang bilang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.