21-pesos, dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa NCR simula Oktubre
Magkakaroon ng 21 pisong pagtaas sa minimum wage sa Metro Manila.
Ito ang inanunsyo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board matapos ang kabi-kabilang petisyon sa umento sa sahod.
Dahil dito, mula sa kasalukuyang 491 pesos na minimum wage, aabot na ito sa 512 simula Oktubre.
Matatandaan na noong Hunyo, tatlong unyon ng mga manggagawa ang nagpetisyon para sa pagtaas ng sahod.
Hiniling ng “Associated Labor Unions” o ALU ang 184 pisong pagtaas, samantalang ang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP naman ay humihingi ng 259 pisong increase habang ang Association of Minimum Wage Earners and Advocates (AMWEA) ay nagnanais na maging 1,200 pesos ang minimum wage sa NCR.
Naniniwala si ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay na “insufficient” o hindi sapat ang umento sa sahod.
Anya, ang 21 pesos na umentong ito ay 4.27 porsyento ng kasalukuyang minimum wage at hindi maiaahon nito ang mga manggagawa sa kahirapan.
Samantala, batay naman sa ulat ng National Wage and Productivity Commission at Bangko Sentral ng Pilipinas noong Hulyo, ang purchasing power ng 491 pesos na minimum wage ay bumagsak sa 354.51 pesos o katumbas ng 27.79 na pagbaba.
Hihikayatin ni Tanjusay si Pangulong Duterte na pagbigyan ang kanilang request para sa 500 pisong subsidiya para sa mga minimum wage earners.
Ito ay kahalintulad ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipinong Program na ibinabahagi sa pamamagitan ng cash voucher.
Una nang iminungkahi ng mga labor groups na gamitin ang mga pondo mula sa Office of the President para sa nasabing subsidiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.