Publiko hinikayat ng CBCP na buhayin ang pakikipag-kapwa kontra EJKs
Kinundena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang pagkakadawit ng mga kabataan sa extra-judicial killings buhat ng kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad.
Ito ay matapos ng pagkamatay nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman alyas “Kulot”.
Sa kanilang inilabas na opisyal na pahayag, mariin nilang pinanawagan na itigil na ang mga pagpatay at nawa’y maghari ang hustisya sa sinumang nasa likod ng mga pagpatay.
Hiling nila na maibalik ang malasakit, maging aktibo ang pakikiramay at manumbalik ang pakikipag-kapwa tao.
Kaugnay nito, hinimok ng CBCP ang publiko na mag-alay ng panalangin sa mga napaslang dahil sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga gayundin ang mga biktima ng kaharasan sa Marawi sa loob ng 40 days mula September 23 hanggang November 1.
Inoobliga rin ang mga Diocesan Bishops ang pagpapatunog ng mga kampana tuwing alas-otso ng gabi sa loob ng nasabing 40 days bilang pagalala sa kaluluwa ng mga namatay.
Umapela rin ang CBCP sa publiko na magtirik ng kandila sa harap ng kanilang bahay, sa mga sementeryo, pampublikong lugar at maging sa lugar na pinangyarihan ng pagpatay sa mga biktima ng karahasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.