Ethics complaint vs Sen. Sotto kaugnay sa “na ano lang” comment kay Sec. Taguiwalo, ibinasura
Ibinasura ng ethics committee ng Senado ang ethics complaint laban kay Senator Tito Sotto.
Ang reklamo ay kaugnay sa ‘na ano lang’ comment ni Sotto sa kasagsagan ng pagsalang noon ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Judy Taguiwalo sa Commission on Appointments (CA).
Kawalan ng hurisdiksyon sa reklamo ang idinahilan ng ethics committee sa pagbasura sa reklamo laban kay Sotto.
Ayon sa komite, dahil nangyari ang ‘na ano lang’ comment ni Sotto sa panahon ng sesyon ng Commission on Appointments, dapat ay sa CA committee inihain ang reklamo.
Magugunitang hindi pinalampas ng iba’t ibang women’s group ang komentong iyon Sotto matapos ilahad ni Taguiwalo ang pagiging single mother niya.
Hiniling ng grupo ng mga kababaihan na maparusahan si Sotto sa pang-iinsulto kay Taguiwalo.
Iginiit nilang mali din ang katuwiran ni Sotto na salitang kalye ang ‘na ano lang’ dahil ayon sa grupo hindi lahat ng mga nasa kalye ay katulad ang pag-iisip sa senador tungkol sa mga solo mothers katulad ni Taguiwalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.