Pagpasa sa Bangsamoro Basic Law, malabo na ngayong Setyembre-Belmonte
Para kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., nagiging imposible na ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL) bago pa mag-umpisa ang debate para sa 2016 national budget.
Ayon kay Belmonte, masyado nang napatagal ang deliberasyon sa BBL dahil hindi pa rin nagkakasundo ang Senado at ang Mababang Kapulungan sa iisang bersyon ng BBL hanggang ngayon.
Gayunpaman, kailangan pa rin aniya ito ipagpatuloy bilang pagbibigay kahalagahan sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.
Sakaling ganito nga ang maging sitwasyon, kakailanganin munang unahin ang debate para sa 2016 budget, na magreresulta ng pagka-urong na naman ng timetable para sa BBL.
Nauna nang nakitang problema ang kawalan ng quorum sa Kamara at nauubusan na sila ng oras dahil marami pang nais mag-interpellate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.