Testigo sa pagpatay kay Kian Delos Santos, nasa kustodiya ni Kalookan Bishop Pablo David
Nasa kustodiya ni Kalookan Bishop Pablo David sa San Roque Cathedral ang isang menor de edad na testigo umano sa pagkakapatay kay Kian Delos Santos.
Kasama ng naturang menor de edad ang kanyang lima pang mga kapatid sa paghingi ng tulong mula sa Simbahang Katolika.
Sa isinagawang press briefing ni Bishop David, nilinaw niya na nakipagpulong sa kanya ang Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at Criminal Investigation and Detection Group o CIDG kasama ang ama ng magkakapatid na si Roy Concepcion.
Ani David, layunin ni Concepcion na bawiin mula sa kustodiya ng simbahan ang kanyang mga anak.
Ayon pa sa obispo, handa siyang ibalik ang mga anak ni Concepcion sa kanya ngunit nang lumaon ay maging si Concepcion ay humingi na ng proteksyon kay David.
Samantala, sa isinagawang press briefing, muling kinundena ni David ang War on Drugs ng pamahalaan, partikular na ang mga nagaganap na pagpatay sa mga walang laban at sinasabing drug suspects.
Aniya, para sa Simbahang Katolika, naniniwala sila na mayroon pang lugar para ma-rehabilitate ang mga lulong sa iligal na droga.
Dagdag pa ni David, hindi papel ng kapulisan ang pumatay. Aniya, trabaho ng mga ito na protektahan ang buhay at karapatang pantao ng bawat isang mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.