Oil embargo laban sa North Korea inihirit ng U.S sa U.N
Umapela ang U.S sa United Nations Security Council na gumawa ng resolusyon para sa dagdag na sanctions na ipapataw laban sa North Korea kaugnay sa kanilang missile at nuclear mission.
Sa liham na ipinadala ng U.S Mission sa U.N, kanilang sinabi na dapat patawan ng oil embargo, ban sa textile exports at huwag tanggapin sa mga iba’t ibang mga negosyo sa ibang bansa ang mga North Koreans.
Gusto rin ng U.S na i-freeze ang lahat ng assets ng pamahalaan ng North Korea sa labas ng kanilang bansa at magpatupad ng travel ban laban kay NoKor leader Kim Jong Un.
Sinabi naman ng ilang Pentagon insiders na batid nilang haharangin ng Russi at China ang nasabing panukala.
Nauna nang sinabi ng China na mas lalong gugulo ang sitwasyon sa Korean Peninsula kapag nagpatupad ng oil embargo laban sa North Korea.
Para makalusot ang isang resolusyon ay kailangan ng U.N Security Council ang siyam na pabor na boto at hindi pinapayagan ang veto mula sa mga permanent members nito na kinabibilangan ng U.S, Britain, France, Russia at China.
Magugunitang muling uminit ang sitwasyon sa Korean Peninsula makaraan ang serye ng missile tests at pagdevelop ng NoKor ng nuclear arms kasunod ng kanilang bantang pag-atake sa ilang mga bansa kabilang na ang U.S at Japan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.