Duterte sa mga pulis na nasa likod ng EJK: ‘Baka ako pa ang babaril sa iyo’
Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na siya mismo ang papatay sa mga nasa likod ng umano’y extrajudicial killings.
Sa kaniyang pagdalo sa ika-60 anibersaryo ng Social Security System, inamin ng pangulo na marami siyang mga pagkakamali, ngunit hindi niya maaring hayaang mamayagpag ang iligal na droga dahil ipapahamak nito ang susunod na henerasyon.
Gayunman, tiniyak ng pangulo na hindi niya rin kukunsintehin ang mga gumagawa ng extrajudicial killings kaya sisiguruhin niyang makukulong ang mga ito o kaya ay baka siya pa mismo ang bumaril sa mga nasa likod nito.
Una dito, sinabihan ng pangulo ang mga pwersa ng gobyerno na huwag pumatay ng mga taong walang kalaban-laban.
Kasabay nito ay nangako siyang pananagutin niya ang mga pulis na gagawa ng mga bagay na labag sa batas.
Kahapon lang ay nakipagpulong sa kaniya ang mga magulang ni Carl Angelo Arnaiz, na napatay ng mga pulis sa engkwentro matapos umanong mang-holdap ng taxi driver.
Samantala, natagpuang patay at tadtad ng saksak ang katawan ng binatilyong huling nakasama ni Arnaiz na si Reynaldo de Guzman sa Gapan, Nueva Ecija.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.