Prospero Nograles, hindi na kailangang humingi ng tawad sa kaniya ayon kay Duterte
Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat ihingi ng tawad sa kaniya si dating House Speaker Prospero Nograles.
Sa pagdiriwang kasi ng kaarawan ng kaniyang anak na si Rep. Karlo Alexei Nograles, humingi ng paumanhin ang dating mambabatas sa pangulo sa kung anumang sakit na naidulat nila sa isa’t isa.
Nasa dalawang dekada kasing umiral ang tunggalian nina Nograles at Duterte dahil sa pulitika.
Lalo itong umigting noong 2010 nang matalo ni Sara Duterte si Nograles sa pagtakbo bilang alkalde sa Davao City.
Ginawa ni Nograles ang paghingi ng tawad sa pangulo sa harap ng maraming taga-suporta ng kaniyang anak.
Aniya pa, ipagtatanggol nila ang pangulo laban sa kaniyang mga nakakalaban dahil bagaman matagal silang naging magkatunggali, sinuportahan niya pa rin ang pagka-pangulo ni Duterte dahil hinahangaan at inirerespeto niya ito.
Pero ayon kay Pangulong Duterte, hindi kailangang humingi ng tawad ni Nograles dahil maliit na bagay lang ito para sa kaniya.
Ani Duterte, “political enemies” lang sila noon pero sinuportahan siya ni Nograles dahil ito ay para sa interes ng Davao.
Dagdag pa ni Duterte, pamangkin niya si Karlo dahil kamag-anak niya ang misis ni Nograles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.