100 terorista, namataan sa Buldon, Maguindanao
Kinumpirma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may 100 armadong mga militante ang namataan sa mga liblib na lugar sa Buldon, Maguidnanao.
Sa kaniyang talumpati sa Davao City kahapon, sinabi ng pangulo na nangangamba siya sa posibleng spillover ng krisis sa Marawi dahil sa mga namataang armadong kalalakihan sa bayan ng Buldon sa Maguindanao na malapit lang sa Lanao del Sur.
Sa panayam ng Inquirer kay MILF spokesperson Von Al Haq, ibinahagi niyang ipinagtanong nila sa kanilang mga tauhan kung totoo ang sinasabi ng pangulo at nag-positibo ito.
Gayunman, hindi aniya sila nakatitiyak kung mismong sa Buldon ire-reinforce ang mga tauhan ng Maute Group, dahil posible rin na pupunta ang mga ito sa bayan ng Butig, Lanao del Sur.
Ayon kay Al Haq, hindi naman nila maaring ipakalat ang kanilang mga tauhan para tugisin ang mga ito dahil mayroon din silang isinasagawang kampanya laban sa mga extremist groups sa iba pang bahagi ng Maguindanao.
Para aniya magawa ito, mangangailangan sila ng resources at karagdagang mga bala.
Nabanggit rin ni Pangulong Duterte na pinag-iisipan na niyang alisin ang martial law sa Mindanao bago pa ang december 31, pero nagbago ang isip niya dahil sa sitwasyon sa Buldon.
“I was thinking that we could, you know, lift it earlier. But the way it looks, parang may spillover na sa ARMM eh, sa Buldon,” giit ng presidente.
Paliwanag ni Duterte, tatantyahin niya pa ito at kung sang-ayon sa interes ng bansa ang pag-alis niya sa martial law ay aalisin niya ito, pero kung hindi ay ipagpapatuloy na muna niya ito.
“Let us see. If it is to the interest of the country that I will lift it, I will lift it. But if not, then we’ll just have to continue with the martial law,” ani Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.